Taong 1996 nang kilalanin ng Gawad Alternatibo ang dokumentaryong ‘Storya, isang Super-8 film production sa aking araling doktoral na natapos noong 1994. Isa ito sa apat na required na short production projects sa klase. Ang una ay getting-to-know the Super-8 medium na ginamit ko ang holiday weekend na pagdalo sa kasal ng isang kaibigan sa San Francisco—na ang nananatili sa aking imahe ay ang close-up shot ng traje de boda ng kaibigan na uusad sa long-shot na pagmartsa nito sa altar, at ang traffic sa pagbabalik sa L.A. matapos.
Ang ikalawa ay collaboration ko sa isang nag-aaral ng cinematography, at montage ng pagkain ng burger ng mga kustomer sa isang fastfood outlet. Ang ikatlo ay isang drama scene ng paghuhugas ng pinggan ng Korean American na aktres. At itong huli, ang ‘Storya ay ukol sa kolonial at neokolonial na bagahe ng identidad na Filipino American.
Tatlong seksyon ang bumubuo nitong dokumentaryong kolaborasyon ng cinematography ni Kay Han; tinig at galaw ni Dulce Capadocia, isang dancer na nakabase sa L.A.; at ang tula ng kaibigang makata, si Lina Sagaral Reyes. Ang unang seksyon ay ang talumpati ng epiphany ni President William McKinley na binigkas sa delegasyon ng Methodist church leaders noong 1899 kung paano siya sinaniban ng panginoon sa kanyang panaginip para sa desisyong kolonisahin ang Filipinas bilang unang experimento sa empire building ng U.S. sa labas ng kontinente nito. Hinalawan ito ng shadow figure ng ulo ng asong bumubuka ang bibig.
Ang ikalawa ay ang tracking shot na ginawa ni Kay sa isang social gathering, aka Hawaiian dance afternoon, ng Filipino American old-timers ng L.A. Senior Citizen Association na may eerie na tunog na tutuloy sa pagbigkas ng tulang “Desaparecida” (titulo nitong ikalawang seksyon) habang sumasayaw ng katutubong kilos si Dulce, na nagdesisyong magyapak sa kalsada ng downtown L.A. na mistulang abandonado ng tao nang mag-shoot kami isang Linggo ng hapon. Ang ikatlong seksyon ay ang pagbigkas ng “Honing Weapons” sa saliw ng isang awit ng Bagong Lumad na ang tempo ay parang naghahanda sa digma, at ang biswal ay medium shot ng kamay na kumikilos sa Mindanaoan na sayaw, saka papasok ang slow rendition ng male vocals ng “Pamulinawen” bago ang closing credits.
Walang permiso ang gamit ng mga awit, kahit ang mga tula ni Lina. Pero sa social media ay pumayag naman si Lina sa paggamit nito. Ginamit ni Kay ang pelikula para makapasok sa isang master’s program sa cinematography. At nawalay ang landas namin ni Dulce nang bumalik ako sa bansa noong 1995. Wala nang Super-8 na projector ang Gawad Alternatibo noon, at hinikayat akong ipa-convert ito sa digital copy na sa labas pa ng bansa ginagawa. Si William, ang tech person ng UP Film Center, ang nagmungkahi at gumawa ng projection ng Super-8 na meron pa ito noon, at kunan na lamang ng video ang projection sa white wall.
Naipalabas ang pelikula sa Filipino American festival na curated ni Irene Soriano noong late 1990s o early 2000s, at sa isang production showcase ng University of the Philippines Film Institute na curated naman ng colleague na si Nick Deocampo. Ang ‘Storya ang kaisa-isang pruweba na filmmaker ako o naging filmmaker ako, at nagbigay ng aspirasyon sa akin simula 1990s na magdirek ng isang feature film sa hinaharap na hindi ko na napagtuunan ng lubos na pansin dahil sa akademikong gawain sa pananaliksik sa scholarly at creative output na mainly prose, kasama ang edited na volumes.
Isa ako sa huli sa Super-8 format sa Gawad Alternatibo noong 1996, at ang 16mm at 36mm cameras at projectors ay nagtransisyon din sa digital era ng 2000s. Saksi kami ng henerasyon ko sa near death of mainstream cinema noong late 1990s, at rise of digital filmmaking ng 2005, ng Quiapo cinematheque at ng pirated torrents sites hanggang late 2010s. Ang COVID-19 pandemic na nagbunsod ng kolektibong karanasan sa lockdowns ay nagbunsod din ng popularisasyon ng online platform ng streaming o 24/7, kahit naka-pambahay, nasa banyo o nagbibiyahe ay maaring matunghayan ang mga palabas na series at pelikula.
Nawala ang film as social/political event. Hanggang taong 2024 ay hindi pa rin nakakapag-comeback ang Philippine cinema sa box office na kita sa ticket sales sa sinehan. Hindi pa substansyal ang presensya nito sa global streaming platforms. Kumitid ang grant programs para sa indie films, lalo na sa regional films. Bawas na rin ang presensya at pagkapanalo ng lokal na filmmakers sa global art festivals. Ang hinaharap ay matamlay para sa pambansa at lokal na pelikula.
Kaya mahalaga na magpatuloy ang Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Video dahil ipinapagpatuloy at sinusustina nito kung bakit tayo narito at piniling manatiling naririto—iba’t ibang henerasyon ng lokal na filmmakers na iniluwal ng iba’t ibang henerasyon ng teknolohiyang media sa global na filmmaking production, distribution at exhibition platforms. Sinusustina ng Gawad Alternatibo ang enerhiyang muli’t muling magbubunsod ng ganap, kaganapan at pagpapalaganap (film as event) ng film culture sa bansa sa kabila ng dominasyon ng global filmmaking business at ng mga lokal na komprador nito.
Kaya kahit ilang beses nang hinulaan at pinangarap ang death of Philippine cinema, nananatili ang pangako ng comeback ng underdog, nananatili ang pangako ng higit na pamamayagpag nito matapos makuha ang learning curve ng pagsadsad at muli’t muli nitong pagbangon. Basta may mga nagpapatuloy na nagmamahal sa pamanang lahi ng pelikulang Filipino, basta may mga nagpapatuloy na sustinahin ang pagpapaningas ng baga para muli’t muling mag-apoy ang malikhaing produksyon at tugon ng pelikula sa panlipunang kondisyon at pagbabago, parating may pag-asa, may pangako ng pagluluwal ng bago, ang pagbubunsod ng pagbabago at pamamayagpag sa susunod pang mga yugto ng pelikulang Filipino.